Bumaliktad ang isa sa mga mahistradong dapat na tetestigo laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Larry Gadon na siyang nagsampa ng impeachment complaint laban kay Sereno.
Ayon kay Gadon, umurong na ang isa sa anim na mahistrado ng Korte Suprema matapos umanong makumbinsi na pumanig sa Punong Mahistrado.
Kinukumbinsi pa umano ng bumaliktad na mahistrado ang mga samahan ng justices at court employees na maglabas ng manifesto ng pagsuporta sa Punong Mahistrado.
Sinabi pa ni Gadon na hindi pa matukoy ang naging deal sa pagitan ng kampo ni Chief Justice Sereno at naturang paretirong mahistrado.
Samantala, nanawagan naman si House Speaker Pantaleon Alvarez kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na humarap sa pagdinig ng impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay Alvarez, ito ay para personal na ma-cross examine ni Sereno ang mga naghain ng reklamo laban sa kanya.
Kung hindi dadalo ang Punong Mahistrado ay mawi-wave ang karapatan nitong ma-cross examine ang mga nag-aakusa sa kanya at hindi bibigyan ng pagkakataon ang kanyang mga abogado na gawin ito.
Una nang umapela ang kampo ni Sereno para sa House Committee on Justice na pagbigyan ang mga abogado na magsagawa ng cross examination dahil karapatan anila ni Sereno at ng bawat isang Pilipino na magkaroon ng due process.
Nakatakdang dinggin ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Sereno sa Nobyembre 20, pagkatapos ng ASEAN Summit and Related Meetings na gagawin sa bansa.
—-