Nagsalita na ang isa sa mga nakasaksi sa pagpatay sa Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr. sa Barangay 189, Pasay City, noong Oktubre 26.
Ayon sa witness, agad siyang nagtungo sa kalsada kung saan narinig niya ang ingay o putok at nakita ang isang Toyota Innova na silver na may conduction sticker na YV-7109 na naka-balandra sa gitna ng Bonanza Street.
Napansin ng saksi na may lamat at basag ang bintana ng sasakyan sa driver’s side at upang makita ng maayos ay tumawid siya ng kalsada at tumambad sa kanya ang duguang driver na hindi na gumagalaw at may taong nasa likod nito.
Ito, aniya, ang dahilan kaya’t sumigaw at nagpasaklolo na siya sa mga barangay tanod pero nang pagbalik niya ay isang tao na nakaputing t-shirt ang humila kay Maquidato palabas ng Innova at inihambalang sa daan.
Nakita pa ang salarin sa ilang security camera na tumangay sa sasakyan ng Grab driver.
Samantala, batay sa imbestigasyon ng Pasay City Police, pitong Grab car rider ang huling nagpa-book kay Maquidato at ikinukunsiderang persons of interest kabilang ang canceled bookings.
—-