Sobrang galit ang nakikitang motibo ng Bulacan PNP o Philippine National Police sa pagpatay sa isa sa mga persons of interest sa Bulacan Massacre Case.
Ayon kay Superintendent Fritz Macariola, officer in charge ng San Jose Del Monte Bulacan PNP, nakakagulat ang pagkamatay ni Ronaldo Pacinos alyas Inggo.
Nagtamo anya ito ng limang (5) saksak sa dibdib, pinutol ang limang daliri at binigti pa ng fan belt.
Sa ngayon, sinabi ni Macariola na wala pa silang basehan para sabihing konektado sa Bulacan Massacre ang pagkamatay ni Pacinos dahil hindi pa nila ito itinuturing na suspek.
Matatandaan na itinuro ng suspek na si Carmelo Ibañez si Pacinos at isang alias Tony na anya’y kasabwat nya sa pagpatay sa lima kataong miyembro ng isang pamilya sa North Ridge Royal Subdivision San Jose Del Monte Bulacan.
“Wala pa kaming makitang suspek dito pero makikita po natin, ma-o-observe po natin, dahil sa kanyang tinamong mga injury ay talaga pong malaki po ang galit ng mga taong gumawa nito sakanya.”
Samantala, sinabi ni Macariola na limang kaso ng murder at dalawang kaso ng rape ang isinampa nilang kaso laban kay Ibañez.
Maliban sa pag amin ni Ibañez, may hawak na rin anya silang isang testigo at nasa proseso ng paghahanap ng pisikal na ebidensya.
“Ang testigo po natin ang makakapag-diin kay Carmelino Ibañez sa crime scene ay meron na po tayong isa.”
“Then, yung ating ano, kung baga pinag-iigihan na makahanap pa ng iba maliban po sa testigo, ‘dun rin po sa mga materyal na ebidensya na maaari pong magsabi na itong si Carmelino talaga ay nandoon sa crime scene.”
By Len Aguirre | Ratsada Balita Program (Interview)