Gagamitin ng Philippine National Police (PNP) ang buong puwersa nito upang mapanagot ang mga nasa likod ng madugong pagpapasabog sa Jolo, Sulu, kahapon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa, kaniya nang inatasan si Bangsamoro PNP Director P/BGen. Manuel Abu na paigtingin ang inilatag nilang checkpoints sa lugar gayundin ang police visibility at pagpapatrulya katuwang ang militar.
Ito’y upang masukol sa lalong madaling panahon ang itinuturong nasa likod ng kambal na pagsabog kahapon na si Mundi Sawadjaan na kaanak ng terrorist leader na si Hatib Sawadjaan na pinaniniwalaang napatay na ng militar sa kanilang mga naging operasyon.
Kasunod nito, kinilala na ng PNP ang isang pulis na nasawi sa pagsabog kahapon sa katauhan ni P/Smsgt. Joe Michael Langbis na miyembro ng Special Action Force (SAF).
Tiniyak ng PNP na ipaaabot nito ang karampatang ayuda para sa naulilang pamilya nito gayundin ang nararapat na pagkilala at parangal dahil sa pagkasawi nito sa gitna ng pagganap sa tungkulin.