Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test ang isa sa siyam na mga pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo Sulu noong nakaraang linggo.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, nakatakda sanang dalhin sa Metro Manila ang mga nabanggit na pulis alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, ipinagpaliban ito dahil kinailangan pang isailalim sa swab test sa COVID-19 ang 9 na pulis matapos ngang magpositibo ang isa sa kanila sa rapid test.
Magugunitang nagtungo ng Zamboanga City si Pangulong Duterte noong Biyernes para makipag-usap sa mga pulis at sundalo na huminahon at hintayin na lamang ang magiging resulta ng imbestigasyon sa pagkakapatay ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo.