Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng CIDG o Criminal Invesitgation and Detection Group –ARMM at Cotabato City Police Office ang isa sa mga nasa likod ng madugong Mamasapano Massacre noong Enero 2015.
Kinilala ni Plt/Col. Mary Grace Madayag, spokesperson ng CIDG ang naarestong si Tamano Esmail Sabpra na kilala rin sa pangalang Tamano Sabpra Esmael.
Inaresto si Esmael sa bisa ng mandamiyento de aresto na inilabas ni Judge Alandrex Betoya ng 12th Judicial Region, Branch 15 ng Cotabato City noong January 25, 2017 dahil sa kasong direct assault with murder.
Kabilang si Esmail sa mga miyembro ng MILF o Moro Islamic Liberation Front na nasangkot sa madugong engkuwentro sa Tukanalipao, Mamasapano kung saan 44 SAF o Special Action Force troopers ang nagbuwis ng buhay.
Kasunod iyan ng ikinasang ‘Oplan Exodus’ ng PNP – SAF para tugisin at arestuhin ang Indonesian bomb maker na si Zulkifli Binhir alyas ‘Marwan’ na napatay naman sa bakbakan.
Walang inirekumendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Esmael habang patuloy na nililitis ang kaniyang kaso.