Tinanggihan ng isa sa mga suspek sa pagpaslang kay University of Santo Tomas (UST) freshman law student Horacio ‘Atio’ Castillo III ang alok na protective custody.
Sa halip ay dumiretsong umuwi sa kaniyang bahay si Ralph Trangia na bumalik na sa bansa mula sa Amerika kung saan ito nanatili ng halos tatlong linggo.
Si Trangia kasama ang inang si Rosemarie ay nakipagpulong kay justice Secretary Vitaliano Aguirre na una nang nag-alok ng witness protection para sa suspek gayundin sa kaniyang pamilya.
Tiniyak ng pamilya Trangia ang pag-sagot sa mga kasong isinampa ng Manila Police District o MPD at maging ng pamilya Castillo.
Magugunitang naka-rehistro sa ama ni Trangia na si Antonio ang Mitsubishi Strada na ginamit nang isugod sa Chinese General Hospital o CGH si Atio noong Setyembre 17.