Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ng NAPOLCOM o National Police Commission ang miyembro ng PNP – HPG o Philippine National Police – Highway Patrol Group na suspek sa pagpatay sa motorcycle rider na si Robert Dela Riarte noong isang taon.
Batay sa pitong pahinang desisyon ng NAPOLCOM, napatunayan nilang guilty si PO2 Jonjie Manon-og dahil sa mga kasong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer kaya’t nagpasya silang tanggalin na ito sa pagkapulis.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chair at Exec. Officer Atty. Rogelio Casurao, imposible ang alibi ni Manon-og na nang-agaw ng baril si Dela Riarte dahil nasa likod ang pagkakagapos nito at wala ding indikasyon na nasira ang posas habang siya’y binabiyahe.
Maliban dito, hindi din tumugma ang pahayag nila Manon-og sa forensic report ng NBI o National Bureau of Investigation at ng PAO o Public Attorney’s Office na dalawang beses umanong binaril si Dela Riarte.
Kasunod nito, ibinasura naman ng NAPOLCOM ang kasong administratibo laban kay Po3 Jeremiah De Villa na sinasabing bumaril kay Dela Riarte makaraang pumanaw ito nang tumalon mula sa isang gusali sa Kampo Crame.