Bumisita sina Defense secretary Delfin Lorenzana, Finance secretary Carlos Dominguez at Justice secretary Vitaliano Aguirre sa isa sa mga aircraft carrier ng US navy na nagpa-patrol sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Sinamahan ang tatlong kalihim ni US ambassador to the Philippines Sung Kim na bumisita sa USS Carl Vinson, isa sa pinaka-malaking aircraft carrier ng Amerika, bilang patunay na nagpapatuloy ang ugnayan ng mga opisyal ng pilipinas at u.s. military official.
Ito’y sa kabila ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang mga defense agreement ng Pilipinas at Amerika at sa halip ay patatatagin ang ugnayan sa Russia at China.
Itinour sina Lorenzana sa aircraft carrier at pinanood ang land and take off ng mga f-18 hornet fighter jets sa flight deck at ipinakilala sa US navy commanders na in-charge sa barko.
Samantala, tiniyak ni Rear Admiral James Kilby, commander ng aircraft strike group ng US navy pacific fleet na hindi aalis ang kanilang puwersa sa pinag-aagawang karagatan upang mapanatili ang kapayapaan sa Asia-pacific region.
By Drew Nacino