Pinagpapaliwanag ng Commission on Higher Education (CHED) ang pamunuan ng Isabela Colleges Incorporated dahil sa pagdaraos nito ng face-to-face class.
Ito’y sa bisa ng inilabas na show-cause order ng ahensya.
Nabatid ng CHED na may isang estudyante ng paaralan ang dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) makaraang dumalo sa isinagawang class orientation sa naturang paaralan.
Batay naman sa isinagawang validation ng CHED, lumalabas na noong ika-29 ng Agosto pa lamang ay nagsasagawa na ng ilang serye ng orientations ang Isabela Colleges.
Alinsunod sa inilabas na show-cause order ng CHED, inatasan nito na magpaliwanag ang pamunuan ng paaralan sa loob ng 10 araw hinggil sa pangyayari.