Walang pondo ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela para sa panukalang isailalim sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test ang lahat ng mga biktima ng bagyo na nananatili sa mga evacuation centers.
Ayon kay Isabela Governor Rodolfo Albano, kanila nang ni-realign ang pondo ng local government para pagandahin ang kanilang mga rescue equipment at pagpapatayo ng evacuation centers.
Aniya, hindi nila kakayaning magsagawa ng massive COVID-19 test sa mga evacuation centers dahil sa kawalan ng sapat na pondo.
Dagdag ni Albano, hindi lamang pagdami ng kaso ng COVID-19 ang kanilang binabantayan, mas higit aniya ang mga pangkaraniwang sakit na nakukuha matapos ang mga pagbaha tulad ng dengue.
Sinabi ni Albano, sa ngayon ay mas inaalala nila ang pagpapalakas sa resistensiya ng mga residente ng Isabela para makaiwas hindi lamang sa COVID-19 kundi maging sa isa pang sakit.