Isang 19 anyos na netizen ang kasalukuyang hawak ng mga otoridad sa San Jose City, Nueva Ecija.
Ito ay matapos umanong magpost sa social media ng alok na P200-M para sa kung sinoman ang makapapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay San Jose City Nueva Ecija Police Chief Lt. Col. Heryl Bruno, isang concerned citizen ang nagsumbong hinggil sa social media post ng binatilyong si Fernando Dandan Jr. noong Mayo 16.
Bukod pa aniya sa alok na pera, inuutusan din ni Dandan ang umano’y makapapatay sa Pangulo na dalhin ang ulo nito sa kanilang bahay sa Sitio Dilain kasabay ng pabuya.
Dahil dito, sinabi ni Bruno na agad nilang tinunton ang lugar kung saan nadakip si Dandan at ipinagharap sa kasong inciting to sedition at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.