Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children ang aktor na si Kit Thompson.
Ito’y matapos maaresto si Thompson kasunod ng reklamo laban sa kaniya ng sarili nitong kasintahan na umano’y biktima ng pananakit.
Batay sa ulat ng Tagaytay City Police Office, nakatanggap sila ng tawag hinggil sa paghingi ng saklolo ng nobya ni Kit na isa ring aktres at modelo dahil sa bantang papatayin umano siya ng kaniyang nobyo.
Dito na rumesponde ang mga tauhan ng Pulisya kung saan, nanghihina at hindi halos makahinga ang biktima nang ito’y kanilang sagipin sa tinutuluyan nitong hotel sa Brgy. Silang Crossing East.
Kinumpirma naman ni Police Regional Office 4-A Director, P/BGen. Antonio Yarra ang ulat na ito ng Tagaytay City PNP batay sa nakarating sa kaniyang reklamo.
Samantala, tumanggi nang magkomento ang Cornerstone Entertainment Incorporated na siyang may hawak sa aktor hinggil sa insidente. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)