Nahaharap sa kasong katiwalian ang isang alkalde sa Zamboanga del Sur dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga agricultural supplies na nagkakahalaga ng mahigit 4.1 milyong piso noong 2014.
Batay sa resolusyon ng Office of the Ombudsman, nakakita ito ng sapat na basehan laban kay Mayor Roy Encallado para maisampa sa Sandiganbayan ang kasong paglabag sa Republic Act no. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kinasuhan din ng Ombudsman sina Bids and Awards Committee chairman Arwin Alpha; BAC members Alex Villarin, Elvira Emia, Andres Limatoc, at Merlinda Ambaic; Municipal Accountant Eien Maning; National Resource Management Focal Person & Municipal Planning Officer Ludivina Salazar; at Inspection Officer Pilar Locop.
Sa imbestigasyon ng Anti-Graft Office, natuklasan na nakakuha ng limang milyong pisong pondo ang lokal na pamahalaan mula sa Department of Agriculture at ibinili ito ng fish cages, fingerlings at fish feeds pero hindi umano ito dumaan sa public bidding.