Karamihan sa atin, itinuturing nang bahagi ng pamilya ang mga alaga nating hayop.
Ganito ang trato ng isang ama sa kanyang pit bull na karga-karga ito habang namamasyal. Ngunit ang kanyang sariling anak, naglalakad lang!
Sa viral video, makikitang tumawid ang tatlo sa kalsada at patuloy na naglakad sa sidewalk. Maya-maya pa, nakasunod na sa kanila ang isang babaeng tinutulak ang isang stroller na may lamang malaking karton.
Pinaniniwalaan ng mga netizen na siya ang ina ng bata.
Naging diskusyon sa comments section ng original video ang family priorities dahil ayon sa ilang netizen, imbes na kargahin o isakay sa stroller ang bata, pinaglakad lamang nila ito.
Sa kabila nito, mas marami ang humanga sa ama at sumang-ayon na dapat lang kargahin ang pit bull dahil mainit ang kalsada at sensitive ang paws ng mga aso. Nakasapatos umano ang bata kaya protektado ang mga paa nito.
Komento ng iba, hawak naman ng ama ang kamay ng bata at kung mapagod ito, pasasakayin din sa stroller.
Naipakita ng video na hindi lamang alaga, kundi mahalagang miyembro ng pamilya, ang ating fur babies. Dapat din natin silang bigyan ng wastong pag-aaruga, proteksyon, at pagmamahal na animo’y kadugo natin sila.