Nagpositibo ng dalawang beses sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Malaysia ang isang 83 taong gulang na American national na pasahero ng Westerdam cruise ship.
Magugunitang ang nasabing cruise ship ay tinanggap ng Cambodia matapos itong tanggihan ng limang bansa kabilang ang Pilipinas dahil sa pangambang kumalat ang naturang sakit.
Ipinabatid ng Malaysian authorities na isa ang American national sa 145 cruise passengers na bumiyahe mula Phnom Penh, Cambodia patungong Kuala Lumpur.
Natigil naman ang pagpapauwi sa ilang pasahero dahil sa pangambang mayroon pang ibang mag positibo sa COVID-19 samantalang ang ilang pasahero ng cruise ship ay nakabalik na sa kani-kanilang mga bansa.
Ayon kay Diana Walker Neve, American passenger ng Westerdam ilang tests pa ang isasagawa sa kanila at hinihintay pa nila ang magiging desisyon ng cruise line at ng mga otoridad.
Nasa 236 na pasahero at mahigit 700 crew members ang nananatili sa loob ng cruise ship kung saan ilang Pinoy crew at performers ay nakauwi na ng Pilipinas habang ang iba ay nasa Cambodia pa rin.