(Updated)
Kumikilos na ang Department of Health (DOH) para imbestigahan ang mga lugar sa bansa na binisita ng American national na nag-positibo sa zika virus.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, Spokesman ng DOH, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa US Center for Disease Control hinggil sa kalagayan at imbestigasyong isinagawa nila sa pasyente.
Bumisita sa bansa ang pasyente mula January 2 hanggang 28 subalit nag-positibo lamang ito sa zika virus nang makauwi na ng Estados Unidos.
Gayunman, binigyang diin ni Lee Suy na hindi lamang sa mga lugar na binisita ng babae dapat ginagawa ang paghahanda at paglilinis kundi sa buong bansa dahil talaga namang mayroon tayong mga lamok na nagbibigay ng zika virus.
“Kung titignan natin regardless eh diba? preparations should be the entire country pa rin, pero yun nga lang for academic purposes, we wanted to know kung na-extend yung problema, gaano ba kalawak dahil it will trigger more intense action natin, kasi yung lamok na nagdadala ng dengue at chikungunya, is the same mosquito.” Pahayag ni Lee Suy.
Una rito, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang pagkakaroon ng zika virus ng isang American national habang nananatili ito sa bansa.
Ayon kay DOH Secretary Janette Garin, mayroon na aniyang sakit ang babaeng turista ngunit lumabas lamang ang sintomas ng zika virus sa mga huling linggo niya sa bansa.
Isang buwan lamang nanatili sa bansa ang hindi pinangalanang US national bago ito bumalik sa Amerika.
Sa ngayon, sinabi ni Garin na nakikipag-ugnayan na sila sa Centers for Disease Control and Prevention para matukoy ang pagkakakilanlan ng pasyente at kung anong mga lugar sa bansa ang kanyang nabisita.
Samantala, pinawi ni Garin ang pangamba ng publiko at sinabi na walang dapat ikabahala dahil wala namang outbreak ng zika virus sa bansa.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Jaymark Dagala