Isa na namang kaso ng animal cruelty ang nadagdag sa mga sunud-sunod na naitalang pagmamalupit sa mga hayop nitong mga nakaraang linggo. Sa Biñan, Laguna kasi, isang aso ang pumasok lang naman sa isang subdivision pero binawian ng buhay matapos itong pagmalupitan ng nagbabantay na gwardya.
Ang malagim na sinapit ng aso, eto.
Sa isang CCTV footage na nakuhanan sa gate ng isang subdivision sa Biñan, Laguna, makikita ang isang lalaki na hila-hila ang isang aso papalabas ng subdivision.
Ayon sa isang witness, ang humihila raw sa aso ay ang security guard ng nasabing subdivision at gumamit ng control pole para palabasin ang aso.
Nakita rin daw ng mga saksi na duguan ang aso at may tinamong injury sa ulo kung kaya tumawag sila ng barangay para sana maitakbo ito sa veterinary clinic pero ang mga otoridad, hindi na raw kaya pang dalhin ang aso dahil nangangagat na ito at mamamatay din naman daw sa huli.
Dinala ng mga witness sa social media ang insidente at napukaw nito ang pansin ng magpinsan na agad na sumaklolo sa aso.
Sinabi pa ng isa sa magpinsan na si Julianne Bismonte, bukod sa tinamong innjuries ng aso ay muntik pa raw itong masagasaan.
Samantala, tumanggi naman ang gwardya na siya ang nasa likod ng mga injuries ng aso ngunit mayroong CCTV footage na nagpapakita na nasa maayos na kalagayan ang aso nang pumasok sa subdivision.
Sinabi rin ng barangay na wala silang kakulangan sa insidente at natugunan pa rin naman daw ang hinaing ng mga saksi. Handa rin daw ang Home Owner’s Association na bayaran ang mga nagastos sa pagpapagamot sa aso.
Na-suspend naman ang nasabing gwardya at inireklamo na rin dahil sa paglabag nito sa Animal Welfare Act sa tulong ng Strays Worth Saving na nagpaalala na huwag mananakit ng mga stray dogs dahil katulad ng mga tao, may sarili ring pag-iisip at damdamin ang mga ito.
Gayunpaman, sa kasamaang palad ay binawian din ng buhay ang aso dahil sa tinamo nitong head injuries.
Sa mga pet lovers diyan, para sa inyo, ano ang parusa na dapat ipataw sa mga abusadong nananakit sa mga hayop na wala namang atraso?