Kung anong convenient ng pagkakaroon ng sasakyan, siya namang hassle nito kapag naghahanap na ng parking slot sa mga pampublikong lugar lalo na kapag may okasyon.
Katulad na lang ng nangyari sa dalawang babae sa nag-viral na video na nauwi sa alitan dahil sa nag-iisang parking space sa sementeryo sa Las Pinas noong November 1 ang natitira.
Kung ano ang tunay na nangyari, alamin.
Sa isang video, makikita ang dalawang babae na nakatayo sa tapat ng isang parking slot. Ang babaeng nakadilaw ay nagsisisigaw at dinuduro na ang babaeng nakasuot ng pink na damit at bakas na bakas ang panggagalaiti sa boses at kilos nito.
Habang ang babaeng naka-pink naman ay hindi natinag sa kaniyang pwesto at may kinakausap pa sa kaniyang cellphone.
Dahil sa agaw-eksenang tagpo na ito, lumapit na ang mga otoridad at kinausap ang dalawang babae ngunit walang pagbabago dahil hindi pa rin naawat ang mga ito.
Subalit, isang babaeng nakaputi ang pumasok sa eksena at itinulak ang nakaharang na babae para mapilitan itong gumilid, kung saan maririnig naman sa video na nagsigawan at nagpalakpakan pa ang mga tao nang matagumpay niya itong napaalis sa espasyo.
Sa paliwanag naman ng babae na naka-pink na damit, ang rason sa kagustuhan niya na mai-reserba ang parking slot ay para sa mga magulang niya na senior citizen na at sa kasama nilang mga bata.
Aniya sa isang pahayag, pagdating niya sa parking slot ay umalis na ang naunang naka-park doon. Tinanong niya pa kung aalis na ba ang mga ito at doon na siya tumayo para maghintay.
Dagdag niya pa, nakipag-usap at nakipag-ayos na raw siya sa nakaalitan at nagkasundo na raw ang dalawang panig. Humingi rin siya ng tawad at sinabing nagsisi siya sa kaniyang nagawa.
Trauma naman daw ang inabot ng babae dahil sa nangyari at nakiusap sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng nasabing video.
Samantala, mali raw ang ipinakita sa video na paraan ng pagreserba sa parking slot, ayon sa pulisya.
Ikaw, ano ang gagawin mo kapag naranasan mo ang kaparehas na pangyayari?