Nang pumasok si Érika de Souza Vieira Nunes kasama ang kanyang tiyuhin sa isang bangko sa Brazil, agad na nakaramdam ng kakaiba ang mga empleyado rito.
Mukha kasing matamlay at hindi maayos ang lagay ng 68-year-old na si Paulo Roberto Braga habang tinutulak ng kanyang pamangkin sa kanyang wheelchair.
Nang imbestigahan, napag-alamang matagal na palang patay ang matanda!
Nagtungo si Érika sa bangko upang mangutang sana ng $3,250 o higit sa P180,000. Isinama niya ang kanyang tiyuhin upang maging co-signer na tatanggap sa legal responsibility ng loan.
Dahil masama ang kutob ng mga empleyado matapos makaamoy ng tila patay na daga, kinuhanan nila ng video ang insidente. Dito, makikitang bumabagsak na ang ulo ng matanda at pinipilit ng babae na pahawakin ito ng panulat upang pumirma sa kontrata.
Tumawag sa emergency services ang mga empleyado at nang dumating ang rescuers, nakumpirma nilang isang malamig na bangkay na ang nakasakay sa wheelchair.
Ayon sa investigating officer, alam ni Érika na patay na ang kanyang tiyuhin dahil ilang oras nang patay ang matanda. Ngunit depensa ng abogado ng pamilya, buhay pa ito nang magtungo sa bangko.
Agad na inaresto si Érika dahil sa pang-aabuso sa patay at tangkang pagnanakaw sa pamamagitan ng fraud.