Para sa karamihan, isang pangarap na mahirap abutin ang pagiging isang milyonaryo. Ngunit ang isang baboy na ito mula sa South Africa, nakamit ang kanyang millionaire status sa pamamagitan ng pagpipinta.
Siya si Pigcasso the Painting Pig, isang world-renowned artist.
Iniligtas ni Joanne Lefson, isang animal rights activist, si Pigcasso mula sa katayan noong 2016. Mula noon, mapayapang nanirahan sa isang animal sanctuary ang baboy.
Unang napansin ni Lefson ang pagkahilig ni Pigcasso sa pagpipinta nang makitang sinisira nito ang lahat ng kagamitan sa kanyang kulungan, maliban sa paintbrush na iniingatan niya.
Gamit ang kanyang bibig, ipinipinta ng baboy ang kanyang napupusuan. At kapag tapos na ang kanyang masterpiece, tinatatakan niya ito ng kanyang snout o nguso.
Tinatayang 500 paintings ang nagawa ni Pigcasso. Ang isa niyang likha, naibenta pa sa halagang $26,500 o tumataginting na P1.5 million!
Dahil high-demand si Pigcasso, pumalo sa higit $1 million o P57 million ang kanyang naging kita mula sa pagpipinta. Napupunta ang perang ito sa food supplies, veterinary bills, at sa iba pang pangangailangan ng animal sanctuary.
Sa kasamaang-palad, nitong March 2024 pumanaw si Pigcasso sa edad na walong taong gulang dahil sa sakit na chronic rheumatoid arthritis.
Gayunman, sa kanyang maikling buhay, naipakita niyang tunay at likas na matalino at malikhain ang mga hayop na dapat nating alagaan at irespeto.