Isang bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Semana Santa.
Kasunod ito ng namataang low pressure area (LPA) sa labas ng PAR sa layong 2,405 kilometro silangan ng Mindanao.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, lalakas pa ang nasabing LPA at magiging ganap na bagyo sa Sabado o Linggo.
Inaasahan namang papasok ito ng PAR sa Lunes ng umaga, gayunman maliit ang tiyansa nitong mag-landfall at dadaan lamang sa silangang bahagi ng PAR.
Samantala, sinabi ng PAGASA na posibleng sa unang linggo pa ng Abril kanilang pormal na iaanunsyo ang pagsisimula ng tag-init.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section OIC Ana Solmoro Solis, maaaring pumalo sa hanggang 39 degrees celsius ang pinakamainit na temperaturang mararamdaman sa bansa lalo na sa hilagang Luzon.
—-