Bukod sa panlalabo ng mga mata at pagsakit ng ulo, posible na rin bang magdugo ang mga mata dahil sa sobrang paggamit ng gadgets? Ganyan daw ang nangyari sa isang limang taong gulang na bata sa Puerto Princesa, Palawan.
Totoo nga ba ito? Alamin.
Isang bata sa palawan ang kataka-takang nagdugo ang kaliwang mata, at sa unang tingin ay maaaring akalain na sadya itong tinamaan dahil sa tindi ng sinapit nito.
Pero para sa kaniyang ina na si Jessa, ito ay dahil sa labis na paggamit ng cellphone ng kaniyang anak kung saan nagagalit pa raw kapag hindi napagbigyan.
Dahil dito kaya’t pinagbawalan muna ni Jessa ang kaniyang anak na gumamit ng cellphone upang pagpahingahin ito, ngunit sa halip na gumaling, nilagnat pa ito at namaga pa ang mga mata.
Dahil dito ay pinacheck-up na nito ang kaniyang anak at doon na nalaman na mayroon na pala itong dengue at ang pagdurugo ng mga mata ay kumpirmado na isa pala sa mga sintomas ng nasabing sakit mula sa lamok.
Samantala, pagdating naman sa labis na paggamit ng gadgets ng mga bata, sinabi ng ekperto na dapat ay limitahan ng mga magulang ang screentime ng kanilang mga anak at magsagawa na lang ng ibang activities.
Nilinaw rin ng eye specialist na ang paggamit ng cellphone ay hindi maaaring magdulot ng pagdurugo sa mga mata at mabuting maghanap na lang ng ibang pagkakaabalahan ang mga bata.
Gayunpaman, nasa maayos na kalagayan na ang bata at ginagamot na ang mga mata nito.
Ikaw, gaano kahaba ang iyong screentime?