Magtatalaga ng isang batalyon o katumbas ng limang daang (500) sundalo ang Armed Forces of the Philippines o AFP para sa traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay AFP Joint Task Force National Capital Region Commander Brigadier General Allan Arrojado, ang mga ide-deploy na sundalo ay magsisilbing augmentation force para sa Philippine National Police o PNP na lead agency sa paghahanda sa okasyon.
Dagdag ni Arrojado, kasado na rin kanilang ipatutupad na seguridad bilang suporta sa PNP sa pagtiyak ng maayos at mapayapang traslacion.
Wala rin aniyang namomonitor ang AFP na anumang banta sa traslacion sa Martes.
MMDA enforcers
Isang libo’t tatlong daang (1,300) mga traffic enforcers ang itatalaga ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para sa traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, partikular na tututukan ng kanilang mga traffic enforcers ang pagbibigay ng first aid sa mga masusugatan o masasaktang deboto at ang pagbabantay sa pahalik sa Enero 8.
Dagdag ni Pialago, sisimulan na ang paged-deploy sa mga tauhan ng MMDA sa Quirino Grandstand simula bukas, Enero 5.
Nakahanda rin aniya ang MMDA na magbigay ayuda at suporta sa mga tauhan ng Manila Police District o MPD.
Class suspensions
Sinuspinde na ng Manila City Government ang klase sa lahat ng lebel sa pampubliko at pribadong paaralan bunsod ng traslacion ng Itim na Nazareno, sa Martes, Enero 9.
Alinsunod din sa Executive Order 1 ni Manila Mayor Joseph Estrada, suspendido rin ang trabaho sa lahat ng departamento at tanggapan sa city government ng Maynila.
Gayunman, hindi saklaw ng naturang kautusan ang mga police officer, traffic enforcer at disaster and risk reduction management personnel.
Nasa diskresyon naman ng kani-kanilang head ang work suspension sa national government offices at lahat ng private offices sa Maynila.
Samantala, naganunsyo na rin ang Korte Suprema ng suspensyon sa kanilang trabaho maging sa Court of Appeals at lahat ng korte sa Maynila.
—-