Isa pang binatilyo na halos tatlong linggo ng nawawala ang natagpuang patay sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Hinihinalang biktima ng summary execution ang 16 anyos na si Michael Angelo Remecio, residente ng Phase 1, Package 1, Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose Del Monte City Police, narekober ang bangkay ni Remecio ng mga basurero na nakasilid sa sako at nakagapos malapit sa isang sapa sa Barangay Gaya-Gaya.
Posible anyang inanod lamang ang bangkay sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng bagyong Maring.
Samantala, kumbinsido sina Dionisio at Genevie Remecio anak nila ang bangkay na natagpuan kahit naaagnas na dahilan naman upang hindi pa agad mabatid ang sanhi ng kamatayan nito.
Si Michael na ang ikatlong binatilyong nawala at kalauna’y natagpuang patay sa nakalipas lamang na halos dalawang linggo.
‘Person of interest’
Natukoy na ng San Jose del Monte Bulacan Police ang “person of interest” sa kaso ni Michael Angelo Remecio na natagpuang patay sa Bulacan.
Ito ay bagamat limitado lamang ang mga impormasyong hawak ng mga awtoridad hinggil sa kaso.
Tiniyak ng mga awtoridad ang follow up operation kasunod na rin nang pagbibigay ng dagdag na impormasyon ng mga kaibigan ni Remecio.
Ayon sa girlfriend ni Remecio, nagkita sila noong August 26 at huling nakapag-usap nuong August 28 subalit hindi naman binanggit ng biktima na may problema ito.
Tiwala naman ang mga magulang ni Remecio na matatapos na ang imbestigasyon at malalaman ang tunay na nangyari sa kanilang anak.
—-