Sa panahon ngayon, hindi na lamang man’s best friend kung ituring ng mga tao ang kanilang mga alagang aso kundi anak na rin! Kung kaya naman ganoon na lamang ang naging reaksyon ng isang Brazilian dog breeder habang nasa isang flight layover sa Istanbul Airport nang hindi niya makita ang kaniyang mga alaga.
Kung ano ang buong pangyayari, alamin.
Sa isang nag-viral na video sa social media, makikita at maririnig ang isang lalaki na nakilalang si Joao Paulo de Costa na nagsisisigaw, umiiyak, at nagwawala sa isang airport sa Istanbul, Turkey.
Maririnig na paulit-ulit na hinahanap ni de Costa ang kaniyang apat na aso dahil gusto niya raw makita ang mga ito. Makikita pa na humiga na ito sa sahig ng airport at tuluyang nag-breakdown dahil sa pagka-dismaya na makita ang kaniyang mga alaga.
Ang rason kung bakit nasa airport si de Costa pati na rin ang kaniyang mga alagang aso ay dahil sumali ang mga ito sa isang beauty contest na ginanap sa Pilipinas.
Habang nasa layover sa Istanbul, nadiskubre ni de Costa na cancelled ang kaniyang connecting flight papuntang Switzerland dahil sa overbooking, kung kaya naman sinabi niya sa help desk na gusto niyang makita ang kaniyang mga aso, ngunit hindi ito pinahintulutan ng mga staff dahil kinakailangang manatili lamang ang mga aso sa aircraft.
Dahil sa komosyon, lumapit ang mga airport police at ipinahanap sa airline ang mga aso.
Nang mahimasmasan ay sinabi ni de Costa na kumalma lamang siya nang makita na niya ang kaniyang mga aso, at sa isa namang social media post ay sinabi niya na mabilis na naresolba ang naging problema sa airport at sila ay ligtas na nakarating sa Switzerland.
Ikaw, ganito ka rin ba mag-alala sa iyong furbabies?