Sugatan ang driver ng isang bus matapos araruhin nito ang concrete barrier sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) kaninang umaga.
Nangyari ang aksidente sa bahagi ng center island ng ginagawang skyway connector road sa bahagi ng Camachile, Caloocan City.
Batay sa ulat ng NLEX traffic control center, alas nueve kanina nang biglang lumusot ang bus sa construction site at saka tumagilid dahil sa lakas ng pagkakasalpok.
Nagdulot ito ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa bahaging iyon ng NLEX na nasabay pa sa pag-uuwian ng mga biyaherong nagbakasyon sa mga lalawigan nitong Undas.
Sa kasalukuyan, na-alis na ang nasabing bus sa lugar na pinangyarihan ng aksidente matapos itong gamitan ng crane.