Pinalawig pa ng isang buwan ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang suspensyon sa klase sa lahat ng antas sa kanilang mga paaralan.
Ito ang inanunsyo ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro bunsod ng matinding pinsalang tinamo ng kanilang lungsod bilang epekto ng nagdaang bagyong Ulysses.
Ani Teodoro, magpahanggang sa ngayon ay mahina pa rin ang interner signal sa lungsod, maliban pa sa mga nasirang learning modules ng mga mag-aaral matapos itong malubog sa baha.
Pagdidiin pa ni Teodoro, layon ng naturang kautusan na bigyan ng sapat na panahon ang mga guro, magulang pati na rin ang mag-aaral na ayusin ang kanilang mga kakailanganing kagamitan oras na muli silang magbalik sa pag-aaral.
Kaugnay nito, nagpalabas ng regional memorandum ang DEPED CALABARZON para suspindihin ang distance learning sa mga sumusunod na lugar sa Rizal: Rodriguez, San Mateo, Cainta, Taytay, Baras-Pinugay, at Upland ng Tanay na epektibo mula kahapon, Nobyembre 16 at magtatagal hanggang sa Biyernes, Nobyembre 20.
Kanselado rin hanggang november 18 ang lahat ng distance learning sa lahat ng mga paaralan sa Cagayan Valley, maliban sa Batanes ayon sa DEPED region 2.
Sa Antipolo City naman epektibo ang suspensyon ng distance learning mula kahapon, Nobyembre 16 hanggang sa Biyernes, Nobyembre 20 sa mga sumusunod na paaralan:
- Calawis Elementary School
- Kaysakat Elementary School
- San Joseph Elementary School
- Canumay Elementary School
- Libis Elementary School
- San Ysiro Elementary School
- Apia Elementary School
- Paglitaw Elementary School
- Calawis National High School
- Kaysakat National High School
- Canumay National High School
Maging sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Camsur hanggang Nobyembre 21 alinsunod sa direktiba ni Governor Migz Villafuerte. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)