Ano ang gagawin mo kung maabutan mo ang pinaghirapan mong apartment na makalat, sira-sira ang pader at sahig, at nangangamoy dahil sa tenant mo?
Kung ano ang ginawa ng tenant, alamin.
Isang hindi pinangalanang lalaking landlord mula Shanghai, China ang inireklamo ang kaniyang tenant dahil sa pinsalang idinulot nito sa kaniyang pinauupahang apartment.
Hindi na raw nabibisita at nasusuri ng landlord ang kaniyang paupahan at nakuntento na lang sa natatanggap na buwanang renta na ibinabayad ng kaniyang tenant sa tamang oras.
Naalerto na lang daw siya ng mga kapitbahay nang magreklamo ang mga ito na mayroon daw ingay at masangsang na amoy na nagmumula sa kaniyang apartment.
Kaya naman hindi na kataka-taka ang panggagalaiti at gulat na naramdaman ng landlord nang maabutan niyang tila naging pugad ng mga manok ang kaniyang apartment at nakita pa na lumilipad at pakalat-kalat ang mga ito.
Pero bago pa man ito makarating sa landlord ay nauna na pala itong ireklamo ng mga kapitbahay sa admin ng apartment building dahil sa mabahong amoy na nanggagaling dito.
Pero ang makulit na tenant, isinara lang ang bintana para maibsan ang amoy!
Labis naman ang lungkot ng landlord dahil bukod sa pinagkagastusan niya ang pagpapaayos ng apartment upang gawing paupahan, iyon din daw pala ang unang beses na pinarentahan niya ito.
Reklamo niya rin na hindi pa raw sapat ang mga kinita niya mula sa tenant upang ipaayos ang mga napinsala kabilang na ang mga sahig at dingding.
Gayunpaman, agad naman itong itinawag ng landlord sa mga pulis matapos na madiskubre ang gulo sa kaniyang paupahan.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung ikaw ang landlord ng nasabing apartment?