Natural sa isang magkasintahan na lubos na paghandaan ang kanilang kasal dahil isa nga naman itong malaking milestone sa kani-kanilang mga buhay. Kaya naman kahit ang pagdating ng bagyong Pepito sa mismong araw ng kasal nila Reychelle at Raegan Gatuz ay hindi sila napigilan.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Nitong nakaraang buwan ay isa si bagyong Pepito sa mga sunud-sunod na bagyong humagupit sa maraming probinsya, at sa pambihirang pagkakataon ay natapat pa ang pagtapak nito sa Aurora sa kaparehong araw ng kasal nila Reychelle at Raegan.
Sa isang interview, ibinahagi ng groom na si Raegan na nangamba raw sila na baka hindi makarating ang mga bisita dahil sa banta ng bagyo at baka ang kani-kanilang mga pamilya na lamang ang dumating.
Pero hindi naman binigo ng mga imbitadong bisita sina Raegan at Reychelle dahil kahit gaano pa kasungit ang panahon ay dumalo pa rin ang mga ito sa selebrasyon ng kanilang pag-iibigan.
Sinabi rin ni Reychelle na dream niya raw simula pagkabata ang magkaroon ng beach wedding na siya namang natupad dahil ginanap ang kanilang kasal sa isang beach sa Dipaculao sa Aurora.
Pero ang dream wedding na ito ay binagyo ni Pepito. Sa isang video, makikita na umagos ang tubig dagat dahil sa malakas na alon dulot ng bagyo papunta sa bride at groom na nakaupo sa harap ng make-shift na altar.
Gayunpaman, hindi raw alintana ni Reychelle ang paghampas ng malalaking alon dahil si Raegan lang daw ang nakikita niya nang mga oras na iyon.
Walong taon nang magkarelasyon ang dalawa bago nagdesisyon na magpakasal, at sa haba nito, maski ang bagyo ay hindi sila natinag.
Ikaw, anong masasabi mo sa nakakaantig na kwentong pag-ibig na ito?