Isang dating kongresista at dalawa nitong bodyguard ang patay matapos tambangan sa Agoo, La Union.
Kinilala ang mga biktimang si dating La Union 2nd District Rep. Eufranio “Franny” Eriguel, bodyguard na sina Bong Tubera at Bobby Ordinario.
Dakong ala syete kagabi nang paulanan ng bala sina Eriguel ng mga hindi nakilalang lalaking lulan ng itim na mitsubishi montero at puting Toyota Innova sa Barangay Capas.
Dadalo sana ang grupo ng dating kongresista sa isang pulong sa naturang lugar nang maganap ang krimen.
Abril taong 2016 o panahon ng kampanya nang makaligtas si Eriguel na noo’y matapos pasabugan ang kanyang convoy sa San Fernando City, La Union.
Kabilang din ang dating kongresista sa narco-list na isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 subalit noong Marso 2017 ay inalis sa listahan dahil hindi umano sapat ang ebidensya upang patunayan ang akusasyon.
Imbestigasyon sa pagpatay kay dating Congressman Eufranio Eriguel, inilarga na
Ipinag-utos na ni La Union Governor Francisco Emmanuel Ortega III sa pulisya na magsagawa ng imbestigasyon sa pagpatay kay dating 2nd District Rep. Eufranio Eriguel at dalawa nitong bodyguard.
Tiniyak ni Ortega sa pamilya ni eriguel na kanyang gagawin ang lahat upang bigyang katarungan ang pagpatay sa dating kongresista at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
Nag-alay din ng pakikiramay ang gobernador sa mga naulila ng mga biktima.
Dakong ala syete kagabi nang maganap ang insidente sa bayan ng Agoo kasabay ng huling araw ng kampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Batay sa paunang imbestigasyon, tinamaan sa ulo at dibdib si Eriguel matapos paulanan ng bala ng mga hindi nakilalang lalaking lulan ng itim na Mitsubishi Montero at puting Toyota Innova.