Pinag-aaralan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga kaukulang hakbang laban sa isang babaeng motorista na napag-alamang kawani ng Commission On Audit (COA).
Ito’y makaraang makuhanan ng video ang pagtakas ng nasabing COA employee nang hulihin ito ng constable ng MMDA sa Commonwealth Avenue sa Quezon City dahil sa illegal parking.
Batay sa nakuhang video mula sa MMDA, nilapitan ng constable na si Charlie Ramirez ang babaeng driver na nakilalang si Atty. Mara Nadia Elepaño mula sa legal department ng COA.
Hiningi umano ni Ramirez ang lisensya ni Elepaño pero sa halip ay ipinakita lamang nito ang kaniyang ID ng COA saka pinaharurot nito ang kaniyang minamanehong sasakyan dahilan para habulin ito ng mga operatiba ng MMDA.
Nagtuluy-tuloy ang nasabing kotse sa tanggapan ng COA at pagdating duon ay napag-alaman ng mga MMDA constable na may lulang bata ang sasakyan.
Sinabi ni Ramirez na idinahilan sa kaniya ni Elepaño na kailangan niya munang ihatid sa isang day care center sa loob ng COA ang kaniyang mga anak sabay giit na hindi naman nito tatakbuhan ang kaniyang naging paglabag.