Arestado ang isang environmental activist sa Ilocos matapos itong akusahan ng rebelyon.
Ayon kay Ilocos Human Rights Alliance Secretary General Mary Ann Gabayan inaresto ng mga pulis si Sherwin de Vera, coordinator ng Defend Ilocos, samahan ng mga environmental advocates sa isang check point habang papauwi ito sa kanila sa Candon Ilocos Sur.
Isang pulis umano ang lumapit kay De Vera at hiningian ng identification card at iniimbitahan siya sa istasyon ng pulisya.
Tumanggi umanong sumama si De Vera at sinabing sasama lamang siya kung siya may warrant of arrest.
Pinilit aniyang sumama si De Vera kaya nagingay na ito at nagpakilalang isang aktibista, at saka lang umano ipinakita ang warrant ngunit hindi sa kaniya ito ibinigay at sinabing rebelyon ang kaniyang kaso.
Kasalukuyang nakakulong ngayon si De Vera sa Camp Elpidio Quirino sa Bulag, Bantay, Ilocos Sur at nakatakdang dakhin sa Abra Regional Trial Court Branch 2 ngayong araw.
Si De Vera ang unang naiulat na aktibistang inaresto sa kasong rebelyon matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 372 na nagdedeklara sa mga CPP-NPA o Communist Party of the Philippines – New People’s Army bilang mga terorista.