Nanawagan sa mga kandidato at kanilang mga taga-suporta ang Davao City-Based Environmental Group – Interfacing Development Interventions for Sustainability (IDIS) na kolektahin at linisin ang kanilang campaign materials.
Ayon kay IDIS Executive Director Atty. Mark Peñalver na base sa inilabas na Executive Order No. 15 Series of 2022 ng lokal na pamahalaan ng Davao, ang mga kandidatong nanalo man o natalo ay kailangang kolektahin at itapon ng tama ang mga campaign paraphernalia na kanilang ginamit noong sila ay nangampaniya para sa eleksiyon.
Sinabi ni Peñalver na halos isang linggo na ang nakalipas, nananatili paring nakasabit at nakakabit sa mga bangketa at open places ang mga poster at tarpaulins na may mukha ng mga kandidato.
Samantala, base naman sa Seksyon 2 ng Executive Order No. 15, ang lahat ng lokal na kandidato ay dapat lumikha ng kanilang mga pangkat pagdating sa paglilinis at lumahok sa tatlong araw na aktibidad sa loob ng kanilang distrito.
Nilinaw naman ni Peñalver na ang lahat ng mga election paraphernalia na nakolekta at nalinis ay hindi dapat itapon sa mga basurahan at mga collection point kundi kinakailangan itong i-recycle at ihatid sa mga recycling center.