Noong August 1971, may isinagawang social psychology study sa Stanford University sa Amerika na pinondohan ng U.S. Office of Naval Research.
Dito, 24 physically and mentally healthy college students ang isinailalim sa isang experiment kung saan susukatin ang role-playing, labeling, at social expectations sa behavior ng tao sa isang simulated prison environment.
Dalawang linggo ang napagkasunduang timeframe sa research na ito, ngunit ipinatigil ito matapos lang ng anim na araw dahil sa matinding trauma na naranasan ng mga estudyante.
Hinati ang pagbibigay ng roles sa mga estudyanteng lumahok sa eksperimento. Mayroong mga nagpanggap na prisoners at jail guards.
“Inaresto” ng mga totoong pulis ang mga estudyanteng prisoners at pinagsuot ng bestida na walang pang-ilalim. Nilagyan din sila ng kadena sa paa.
Sinabihan ang mga estudyanteng gwardiya na bawal ang physical abuse, ngunit pangalawang araw pa lang ng experiment, nagpakita na ng rebelyon ang prisoners. Dahil dito, lumikha ang mga gwardiya ng reward and punishment system upang mapangasiwaan ang mga bilanggo nila.
Sa loob lang ng apat na araw, tatlong prisoners ang pinalaya dahil sa trauma.
Sa kasagsagan ng experiment, naging malupit at abusado sa kapangyarihan ang mga estudyanteng gwardiya, habang naging depressed at anxious ang mga nagpanggap na bilanggo.
Dahil sa pag-aaral na ito, naipakitang posibleng maging sadista ang mga ordinaryong tao kung mabibigyan sila ng awtoridad.