Isa na namang kilalang personalidad ang ginamit sa modus ng mga scammer para makakulimbat ng easy money. Ang biktima? Isang senior citizen na dalawang dekada nang fan ng Spanish singer na si Enrique Iglesias.
Ang buong kwento, eto.
Mahigit dalawang taon na ang nakakaraan nang mag-message raw sa 63-anyos na si Guadalupe Cepeda mula Los Angeles ang Spanish singer na si Enrique Iglesias matapos siyang makita nito sa isang online fan group.
Kahit na suntok sa buwan na makausap ang singer, hindi ito pinagdudahan ni Guadalupe at nagtuluy-tuloy ang pag-uusap ng dalawa kahit na mayroon nang asawa ang babae. Sa katunayan ay sumagi na nga sa isip niya na hiwalayan ito upang makasama na si Enrique.
Pero ang love story ni Guadalupe at ng singer, tila isang concert na kailangan munang pagkagastusan bago ito matuloy.
Ang ka-chat kasi ng babae, hiningan siya ng pera at walang pag-aatubili niyang pinadalhan ito na umabot ng libong dolyar dahil sa pang-aakala na nangangailangan ang lalaki.
Makailang beses pa itong naulit pero nang wala nang maipdala si Guadalupe sa lalaki, kinumbinsi pa siya nito na gumawa ng paraan katulad ng pagnanakaw ng pera sa kaniyang mister.
Nadiskubre ng mister ni Guadalupe ang pakikipag-usap niya sa iba ngunit sa halip na magalit ay pinairal nito ang kaniyang pagmamahal at pag-intindi sa asawa at ito pa mismo ang gumawa ng paraan para maigising ang kaniyang misis sa katotohanan na hindi ang tunay na Enrique Iglesias ang nakakausap niya at na-goyo lang siya ng isang scammer.
Dinala si Guadalupe ng kaniyang mister sa Spanish magazine show na Primer Impacto para ikwento ang kaniyang online romance sa singer na siya namang nag-viral, ngunit pagkatapos ng lahat ay hindi pa rin natinag si Guadalupe.
Umabot na sa punto na nanawagan pa ang mister niya kay Enrique para magsalita ito tungkol sa isyu ngunit nagbabala lamang ang singer sa kaniyang fans na maging maingat sa lumalaganap na scamming.
Ikaw, hanggang saan ang kaya mong gawin para lang mapalapit sa iniidolo mo?