Kabilang ang isang Filipino-American sa higit 500 kataong nasugatan sa nangyaring shooting rampage sa Las Vegas.
Kinumpirma mismo ng pamilya na kasama si Arthur “Arty” Andrade, 21-anyos na tinamaan ng bala sa kanyang tiyan.
Dumalo si Andrade at ang nobya nito sa music festival nang magpaulan naman ng bala ang gunman na si Stephen Paddock.
Na-operahan na si Andrade at kasalukuyang nananatili pa rin sa intensive care unit ng ospital.
Samantala, patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Las Vegas upang alamin kung may iba pang Pilipinong nadamay sa insidente.
Filipino community
Samantala, nanguna ang mga Pilipino sa Amerika para tumulong sa mga nabiktima ng pamamaril sa Las Vegas, Nevada kung saan halos 60 katao ang nasawi.
Maraming Pinoy ang pumila ng anim hanggang walong oras ng para makapag-donate ng dugo sa nasugatan.
May iba naman ang nagpaabot ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon habang ang iba ay nag volunteer.
Bukas, Huwebes oras sa Pilipinas, ay inaasahang dadalaw si US President Donald Trump sa Las Vegas para makiramay sa mga biktima.
—-