Tag-init na naman sa Pilipinas. Nagcra-crave ka na rin ba sa ice cream? Talaga namang lahat ay instantly nagiging kid at heart kapag kumain ng ice cream—mapa-chocolate, vanilla, strawberry, o cookies and cream man yan.
Pero alam mo bang mayroong isang ice cream flavor na napaka-delikadong kainin? Sa sobrang delikado nito, kailangan mo pang mag-sign sa isang waiver dahil posible itong maging sanhi ng injury, illness, o kaya naman kamatayan.
Kung titignan, aakalain mong matamis ito na may lasang cherry o raspberry dahil sa nakakaakit nitong kulay. Pero ang totoo, gawa ito sa Carolina Reaper pepper, ang ikalawa sa pinakamaanghang na sili sa buong mundo.
Sa Scoville Scale, o ang sukatan ng spiciness, mayroon itong tumataginting na 2.2 million heat units.
Sa sobrang anghang ng Carolina Reaper, tinawag ang ice cream na gawa rito bilang Respiro del Diavolo o “Devil’s Breath.”
Unang inilabas ang Devil’s Breath sa Aldwych Café and Ice Cream Parlor sa Glasgow, Scotland. Nagkakahalaga ang isang scoop nito ng 2.50 euros o P150.
Ayon kay Lee Bandoni, kapatid ng café owner, nagsimula ang secret dish na ito sa Italy noong 1936.
Nagkikita ang ilang Italian ice cream families isang beses kada taon sa isang lugar na tinatawag na Devil’s Bridge. Dito, pinapakain ng napakaanghang na ice cream ang mga lalaking nagpapakita ng katapangan.
Kaya kung matapang ka rin at gusto mong subukan ang Devil’s Breath, kailangan mo munang magbigay ng proof na nasa legal age ka na at pumirma sa isang waiver na nagsasabing walang kinalaman ang café sa kung anuman ang mangyari sa iyo.
Kapag kumain ka ng Devil’s Breath, posible kang makaranas ng serious injury sa iyong dila o kaya naman magkaroon ng heart attack.
Kung tingin mong exaggeration lang ito, isipin mo na lang na kailangan pa ng staff na magsuot ng gloves kapag inihahanda ang ice cream na ito para maiwasan ang pagkakaroon ng side effects sa balat.
Nakakatakot mang pakinggan, pero para sa mga nakakain na ng Devil’s Breath, isa itong experience of a lifetime.
Ikaw, susubukan mo ba ang Devil’s Breath ice cream?