Nagbabala ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na posibleng lumala ang unemployment rate sa sektor ng pangingisda dahil sa inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nito lamang August 2022, pumalo sa 286,000 ng fishing at aquaculture sector ang apektado ang hanapbuhay.
Ayon kay Fernando Hicap, National Chairperson ng PAMALAKAYA, kung patuloy na tumataas ang halaga ng bilihin sa merkado at mataas na singil sa presyo ng langis, mapipilitang maghanap ng ibang mapagkaka-kitaan ang mga mangingisda na sa tingin nila ay mas matatag kaysa sa pangingisda.
Sinabi ni Hicap, na nakakaalarma ang sapilitang pagbabago sa kabuhayan ng mga mangingisda kung saan, apektado ang lokal na suplay ng isda, seguridad sa pagkain, at mga presyo sa pamilihan.
Hinimok naman ni Hicap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na aksiyonan ang epekto sa inflation partikular na sa sektor ng pangingisda at protektahan ang coastal communities laban sa destructive reclamation projects o ang mga mapanirang proyekto sa bansa.