Pinahihinto ng isang grupo ng mga doktor ang Public Attorney’s Office o PAO sa pag-o-autopsy sa mga hinihinalang biktima ng dengvaxia.
Ayon kay dating Health Secretary Ezperanza Cabral na siya ding namumuno sa grupong Doctors for Public Welfare, mali ang diagnosis na inilabas ng forensic expert ng PAO na si Dr. Erwin Erfe na nagsasabing may kinalaman ang dengvaxia sa pagkamatay ng lahat ng batang kanilang isinailalim sa autopsy.
Giit ni Cabral, napatunayan na ng mga forensic pathologist ng Philippine General Hospital o PGH na walang kinalaman sa dengvaxia ang pagkamatay ng 13 sa 14 na batang naturukan ng bakuna.
Hindi pa naman aniya tiyak kung may kinalaman sa dengvaxia ang pagkamatay ng isa pang batang sinuri.
Dahil dito, hinihikayat ng grupo ni Cabral ang Department of Justice (DOJ) na patigilin ang PAO sa pag-iimbestiga sa dengvaxia at ipaubaya na lang sa mga mahuhusay na forensic pathologist ang pagtukoy sa dahilan ng pagkamatay ng mga naturukan ng dengvaxia.