Tutol ang isang grupo ng mga guro sa hakbang ng pamahalaan na payagan na ang limitadong face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Teacher’s Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas, delikado pa rin sa ngayon ang magkaroon ng face-to-face classes kahit pa sa mga lugar na mababa o walang kaso ng coronavirus disease.
Aniya, ito ay dahil magdudulot ang pisikal na pagpasok sa paaralan sa madalas na paggalaw o paglabas ng mga tao na posibleng maging dahilan naman ng pagkakalantad at pagkalat ng sakit.
Sinabi ni basas, maikukumpara ang limitadong pagbabalik ng face-to-face classes sa balik probinsya program na siyang itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng kaso sa mga lugar na dating COVID-19 free.
Iginiit ni Basas, dapat pagtuunan na lamang ng pamahalaan sa ngayon ang pagpapaibayo sa iba’t-ibang paraan ng distance learning bilang alternatibo sa pisikal na pagpasok sa klase.