Sa isang video, makikita ang mga katutubo ng Tagkawayan, Quezon na mayroong hawak na kumpol ng mga dahon na selyado pa ng tali.
Maririnig din sa boses at sigawan ng mga ito kung gaano sila ka-excited habang unti-unting tinatanggal ang balot na dahon.
Kung bakit ganon na lamang ka-excited ang mga katutubo? Iyon ay dahil ang mga hawak nilang nababalot ng mga dahon ay ang kanila palang mga exchange gift!
At para gawin pa itong mas kakaiba, ang nilalaman pala ng mga dahon ay mga gulay na nagmula mismo sa kaniya-kaniyang mga tanim.
Ang kakaibang konsepto ng exchange gift na ito ay pakana ng isang grupo na tinatawag na Tagkawayan Vines na bumisita sa Barangay Casispalan sa Tagkawayan, Quezon.
Naisipan daw ng mga ito na isali ang mga katutubo sa kanilang selebrasyon para sa lahat ng mga biyaya na kanilang natatanggap kung kaya naman naghanda sila ng simpleng salu-salo para sa mga ito.
Ang kanilang nakatutuwang simpleng Christmas party ay isang halimbawa at patunay na hindi kinakailangang gawing engrande ang mga salu-salo at ipamimigay na regalo para maging tunay na masaya sa darating na pasko.
Ikaw, anong masasabi mo sa kwento na ito?