Pinaigting pa ng Grupong Aktib o Aktibong Kilusan tungo sa iisang bayan ang kampanya nito kontra paninigarilyo.
Kasunod na rin ito nang paggunita sa World No Tobacco Day bukas, May 31.
Iginiit ni Aktib President Ernesto Ofracio ang masamang epekto sa katawan ng pagyo-yosi tulad ng mga sakit lalo na ngayong panahon ng pandemya dahil sa matinding tama ng virus sa katawan.
Sadya aniyang nakakamatay ang paninigarilyo nang hindi napapanagot ang industriya ng tabako na siyang nagbebenta ng nasabing produkto.
Sinabi pa ni Ofracio na tema nang paggunita ng Pilipinas sa World No Tobacco Day ay ‘Commit to quit: nagkakaisang pilipino para sa no yosi!’
Ipinabatid ni Ofracio ang pakikipag-isa sa DOH, Department of Education at iba pang ahensya ng gobyerno gayundin ng barangay, civil society groups at people’s organization sa ilalim ng Philippine Smoke Free Movement para isulong ang awareness sa masamang dulot ng paninigarilyo.
Isinusulong din ng Aktib ang agarang pagsasabatas ng smoke free act.
Magugunitang nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 26 na nagbabawal ng paninigarilyo sa lahat ng mga pampublikong lugar at sasakyan.