Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang guro na nangikil umano ng halagang P2-M sa isang principal sa Sto. Niño Parochial School sa Quezon City.
Nabatid na nagpanggap na isang miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang naturang guro para mangikil ng pera sa ibat-ibang eskuwelahan.
Ayon sa mga otoridad, isang principal ang dumulog sa kanilang ahensya para isumbong ang nagpakilalang npa member kung saan, nagbanta itong bobombahin ang kanilang paaralan kung hindi magbibigay ng malaking halaga ng pera.
Nagawa pa raw na kumbinsihin ng principal na ibaba sa P500-K ang pera dahilan para agad na ikinasa ng entrapment operation kung saan, dinampot ang suspek na kinilalang si Jake Castro, 26-anyos.
Napag-alaman na si Castro ay isang guro sa isang paaralan sa Las Piñas kung saan, mahigit 30 pang eskuwelahan sa Metro Manila ang pinadalhan ng suspek ng email upang makapangikil.
Sa ngayon, nahaharap sa iba’t ibang mga kaso si Castro.