Usap-usapan ngayon sa social media ang isang gurong nanenermon nang naka-live sa TikTok.
Sa trending video, makikita ang isang guro na nagbitiw ng mga masasakit at mapanlait na salita sa kanyang mga estudyante habang naka-record sa sikat na video-sharing platform.
Pinaiimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang naturang video.
Ayon kay DepEd Deputy Spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas, vine-verify na nila ang video at kung ano ang dahilan kung bakit nagalit ang guro.
Aniya, kailangang magkaroon ng complete incident report upang matukoy ang sunod na aksyon ng DepEd, alinsunod sa mga polisiya ng ahensya.
Hati naman ang reaksyon ng netizens ukol sa viral video.
Bagamat maraming nagsasabing mali ang ginawa ng guro, may ilan ding pumanig sa kanya dahil anila, walang respeto at matitigas na ang ulo ng mga kabataan ngayon.
Gayunman, bata pa rin ang mga pinaghihinalaang estudyante sa viral video. At batay sa Child Protection Policy ng DepEd, ang anumang aksyon na nagpapababa sa pagkatao, halaga, at dignidad ng bata bilang tao ay maituturing na child abuse.