Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang health worker sa lungsod ng Baguio.
Ito ang kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Dr. Rowena Galpo, health officer ng lungsod, anila ang panibagong COVID-patient, ang ika-35 kaso ng dinapuan ng virus sa lungsod.
Batay sa impormasyon, ang COVID-patient ay isang 38-taong-gulang na nurse sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC).
Kasunod nito, ayon sa pamunuan ng Baguio City, kasalukuyang naka-admit ang pasyente sa isolation facility ng BGHMC at gumugulong na rin ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha nito.
Samantala sa pinakahuling datos, mayroon nang 35 positibong kaso ng COVID-19 ang naitatala sa lungsod, 5 rito ang active COVID-cases, 29 ang naka-rekober na sa virus, at 1 naman ang nasawi.