Isang heneral mula sa Armed Forces of the Philippines ang napupusuan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipalit kay National Food Authority Administrator Jason Aquino.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hinihintay na lamang ng Pangulo ang takdang panahon na makapagretiro ang heneral.
Tatlong buwan na aniyang lumutang ang pangalan ng heneral at matagal na ring naghahanap ang Presidente ng ipapalit kay Aquino.
Pero tumanggi ang kalihim na kumpirmahin kung si AFP Chief of Staff Carlito Galvez ang tinutukoy nito na malapit nang magretiro sa serbisyo.
Sinabi ni Roque na ang katapatan at disiplina ng mga opisyal na sundalo at pulis ang isa sa tinitingnan ng Pangulo sa pagkuha ng mga itinatalaga sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno, maliban sa kakilala at nakatrabaho niya ang mga ito na karamihan ay mula sa Task Force Davao.
Jason Aquino hindi pa ligtas sa kasong kriminal o administratibo ayon sa Palasyo
Hindi lusot sa anumang posibleng kasong kriminal o administratibo ang nagbibitiw na NFA Administrator na si Jason Aquino.
Ito ang binigyang diin ng Palasyo sa gitna ng panawagan ng ilang opposition senators na dapat ay pinatalasik sa puwesto sa halip na tinanggap ni Pangulong Duterte ang resignation ni Aquino.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, hindi naman nangangahulugang lusot na sa posibleng kaso kapag ang isang government official ay nag-resign sa kanyang puwesto.
Kung may nakita aniya ang mga kritiko na paglabag si Aquino sa pamamalakad nito sa NFA, malaya ani Roque ang mga itong dumulog partikular sa Ombudsman at doon isampa ang complaint.
Sa ngayon ayon kay Roque ay mas mahalagang makahanap ang Pangulo ng epektibong papalit kay Aquino sa NFA.