Kinumpirma ng isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagkamatay ng high-profile inmate na si Raymond Dominguez sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay BuCor spokesman Gabriel Chaclag, natagpuang wala nang buhay si Dominguez, lider ng Dominguez car theft gang, bandang alas-6:20 ng umaga.
Sinabi ni Chaclag na walang nakitang senyales na nagkaroon ng foul play sa pagpanaw ni Dominguez ngunit hinihintay pa ang resulta ng medico-legal examination.
Hinihinalang natural causes ang ikinasawi ng inmate dahil sinasabing may hypertension ito at hika.
Si Dominguez ay hinatulang mabilanggo ng hanggang 36 taon ng Malolos, Bulacan Regional Trial Court noong 2012 dahil sa kasong carnapping.
Bukod dito, kasama rin si Dominguez at ang kanyang kapatid na si Roger sa mga akusado sa pagpaslang sa car dealers na sina Venson Evangelista at Emerson Lozano noong 2011.