Isang hinihinalang miyembro ng NPA o New People’s Army ang napatay ng militar matapos ang halos 40-minutong sagupaan sa Batangas City.
Ayon kay 202nd Brigade Commander Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., nangyari ang bakbakan dakong alas-8:40 ng umaga kahapon sa Mount Banoy, Barangay Talumpok Silangan.
Ito aniya ay matapos na makatanggap sila ng tip mula sa ilang sibilyan kaugnay sa presensya ng hindi mabilang rebelde sa lugar na may plano umanong manggulo.
Nakuha sa nasawing rebelde ang isang M-16 rifle at bandolier na naglalaman ng mga bala habang wala namang napaulat na nasugatan sa panig ng militar.
Nagpapatuloy naman ang pursuit operation ng militar sa mga nakatakas na mga rebelde.
—-