Patay ang isang hindi pa nakikilalang miyembro ng NPA o New People’s Army matapos maka-engkuwentro ng mga tropa ng pamahalaan sa bayan ng Basud, Camarines Norte kaninang umaga.
Batay sa natanggap na impormasyon ng DWIZ mula sa Camarines Sur Provincial Police Office, nakasuot ng kulay blue/green na t-shirt at itim na jacket ang napatay at armado ng kalibre kuwarenta’y singkong pistola, isang carbine at isang granada.
Nagsasagawa ng hot pursuit operations ang mga tropa ng militar at pulisya sa purok uno, barangay tuaca nang mamataan ang may labinlimang hinihinalang rebelde na nagresulta sa limang minutong bakbakan.
Bagama’t may isang nalagas sa panig ng mga rebelde, suwerte namang walang nasawi o nasugatan sa panig ng mga sundalo’t pulis.
Kasalukuyan nang ipinakalat ang mga tauhan ng provincial crime laboratory ng Camarines Sur gayundin ng explosives and ordinance division sa pinangyarihan ng engkuwentro para suriin ang nakuhang granada.
Nagpapatuloy naman ang follow up operations ng pulisya sa pamamagitan ng pagkakasa ng checkpoints at pagpapatrulya sa lugar.